Ang Pagsaksi ko sa Epikong Labaw Donggon

Larawan mula sa: https://www.facebook.com/ENTALabaw?fref=ts

Ang huling handog ng Ateneo ENTA sa kanilang ika-30 taon na “Labaw Donggon: Ang Banog ng Sanlibutan” ay isang pista para sa mata, isang produksyong yaman sa  kagandahan estetiko at sining, kahanga-hangang pagganap ng mga karakter at tagpuang malikhaing bumihag sa mga manonood.

Bago pa man ko panoorin ang dula, napaka interesante na ng impresyon ko dito dahil sa samu’t saring reaksyon na naririnig ko tungkol dito mula sa aking mga kaklase’t kaibigan. May mga nagsabi na sobrang ganda daw, at lubos na nagustuhan nila, at may iba naman na hindi masyadong natipuhan ang dula at nakuntento lang sa pagtatanghal. Ang naghahalong opinyon dito ang nagdulot ng pagtataka kung masusulit nga ba ang Php 300 ko sa panonood ng Labaw Donggon.

Nang dumating ang araw at oras ng panonood, pumlia ako sa may Cervini field kasama ang ilang blockmate at doon palang ay nakakapanibago na ang pakiramdam. Ang pagtatanghal sa labas ng teatro, at ang paggamit ng espasyong iyon ay nakadagdag sa elemento ng pananabik, dahil sa kawalan ng katiyakan kung uulan o hindi at paglalantad sa mga insekto na maari din.

Habang hinihintay ang simula ay ibinaling ko ang atensyon ko sa paligid ng tanghalan: mula sa simple ngunit akmang entablado na may mga halama’t puno, set-up ng upuan, hanggang sa mga lighting at speaker na mukhang madiskarte ang pagkakalagay. Kahit di pa nagsimula at base lamang sa pauanang impresyon ay sabi ko sa mga katabi ko at sila’y sumang-ayon na, “Ang ganda dito! (nung ambiance)”

Sa daloy ng kwento at pagtatanghal, napansin ko ang simpleng balangkas ng epiko, ang mga karansan ni Labaw sa pagpupursigi sa tatlong pagpapangasawa niya, ang mga paghihirap at pagtutunggali sa mga kalaban niya sa mga ito, at ang kabayanihan ng mga dalawa niyang anak sa pagsalba sa kanya sa huli. Aminado naman ako na dahil sa kapaguran, medyo nakaapekto ang kaantukan ko habang nanonood. Kaya natural na di ko naunawaan ang kabuuan ng mga diyalogo’t kanta, at maaring nakalimutan ko ang ibang saysay at kahulugan ng mga eksena. Ang totoo ay nakapagbuhay sa akin, at marahil sa karamihan din ang karakter na best friend ni Labaw na si Sandig. Siya ang nagsilbing “comic relief” o pampatawa sa karamihang seryosong eksena. Ang mga interaksyon at paglalaro niya sa mga manonood ay kahi’t papano nagpabuhay at nakatulong sa pagkaintindi sa kwento. Sa pagkanta at pagsayaw, hindi matawaran ang husay ng mga nagsipagganap.Wala akong napansing karakter na hindi bihasa sa pagkanta, maaring may sintunadong nota sa ilan, ngunit kapuri-puri sa kabuuan. Ang koryograpiya ng sayaw at kilos sa mga eksena tulad ng labanan ay malikhaing naiparating sa mga manonood. Napakahusay at katangi-tangi ang pangunahing tauhan na si Labaw sa mga galaw at sayaw niya. Halata na praktisado at may angking kakayahan sa pagsayaw ang aktor, at hindi rin pwedeng isawalang bahala ang galing din ng boses niya. Talagang puno ng emosyon na tamang-tama, kung saan lahat ng gumanap ay nagpamalas ng angking galing sa pagsabuhay ng emosyon na bagay sa eksena. Maganda na kahit simple ang props at stage design ay naigamit naman ito nang maayos, dahil nakadagdag sa eksena’t tagpuan ang lighting na mahusay ang paglalapat. Ang musika ay isa din na nakadagdag sa ambiance o kapaligiran ng kwento sa bawat pangangailangan ng mahinahon hanggang sa matitindi na areglo ng musika, na hindi naman malayo sa ibang katutubong musika, ngunit ang nakapagpatangi dito ang halong modernong effects sa music, na tila may remix sa musika sa ibang mga bahagi. Nagustuhan ko din ang mga kasuotan na nagpabagay naman sa diwa ng produksyon, kung saan ang ibang kasuotan ay kapansin-pansin na pinaggastusan dahil sa kagandahan nitong nakapagpapahanga. Maliban sa mga karakter, mahalaga din na mabigyang parangal ang mahusay na pagtatanghal ng mga kasapi ng koro (chorus), na bukod sa suporta sa mga kanta’t sayaw, naigamit ng husto sa pag-galaw at pagbigay buhay sa entablado, partikular sa set at props. Wala talaga akong masabi kundi napakahusay at isang kalidad na produksyon ang Labaw Donggon.

Maraming beses na dahil sa sobrang pagod at antok ko ay gusto ko na sanang makatulog, pero hindi ko magawa. Sa pista para sa mata na pagtatanghal na ito, hindi ko magawang hindi mapahalagahan ang ilaw, ang entablado, ang musika, ang mga aktor, at ang mundong nakapagpalimot sa akin na nasa Cervini field nga lang pala ako. Sa ganitong pag-iisip, sulit na sulit ang bayad sa panonood rito. Isang kakaibang karansan sa panonood ng dula na may ganitong kapaligiran na panlabas, ngunit parang kasingtaas pa rin ng kalidad ng pagtatanghal sa mga teatro tulad ng CCP.

Kung may isang kapintasan ang “Labaw Donggon”, ito siguro ang pagiging medyo makaluma o “dated” nito. Dahil sa ito ay tradisyunal na panunulat ay sumunod na medyo tradisyunal din ang paginterpreta dito, kaya hindi siguro nagustuhan ng lahat ng manonood. Mahirap na mahikayat ang mga batang manonood na talagang mapahalagahan at mapahanga sa ganitong klaseng mga dula, na karaniwang pormal na Filipino ang lenggwahe at ang diwa ng istorya ay makalumang kultura. Bagaman may konting hirit para mawili ang ilang manonood, hindi maiiwasan na mahirap parin makuha ang paghanga ng ibang estudyante, lalo na ang mga hindi masyadong nakakaintindi ng wikang Filipino.

Ang epikong “Labaw Donggon” ay isang pagtatanghal na nakasentro sa paglinang ng sining at kulturang Pilipino. Ito ay isang produksyong malikhain at mahusay na naipinta ang kwento ng pagmamahal sa kakaibang kultura sa sinaunang kapanahunan. Sa aking palagay, hindi binigo ng ENTA ang mga nanood sa palabas na ito.

About these ads

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: