MARKA ni MARK-O para sa Fil12

Sa aking pagtataya, pakiramdam ko na karapat-dapat sa akin ang markang B+ para sa asignaturang Fil12 ngayong semestre. Ito ang mga dahilan at katwiran kung bakit:

ATTENDANCE – Maaring hindi ako perfect attendance ngayong semestre, regular naman ang aking pagpasok sa klase. Hindi ako nahuhuli at nasa tamang oras ako dumadating kapag may ordinaryong klase o make-up na klase. Sa katunayan, dalawa lamang ang aking liban. Isa, dahil nagkasakit ako. Pangalawa, dahil nagkaroon ng hindi pagtutugma ng iskedyul para sa make-up class na dulot ng problema sa transportation at maling pagkakaunawa sa mga anunsiyo nung araw na iyon. Hindi ako nag-cut ng klase kailanman dahil lamang sa hindi ko ninais o tinatamad lang ako pumasok, lagi naman ako may importante o balidong mga pagpapasiya. Kahit na may mga pabagu-bagong schedule madalas, masasabi kong hindi naman ako nagkulang sa determinsayon na pumasok sa klase hangga’t kaya ko.

BLOGS/PAPEL – Sa bawat blog na binigay, nagbuhos ako ng sapat na oras at pagsisikap para makapagpost ng mga makabuluhan at pinaghirapan na mga sanaysay. Totoong -totoo na kahit di ako mahilig sa pag-blog, binigay ko talaga ang lahat ng aking makakaya sa bawat blog. Aminado man ako na nangyaring marami akong mga pagkakamali sa gramatiko o pagkukulang sa angkop na diwa at hindi ako ang pinakamagaling na manunulat o blogger sa Filipino, pero hindi ito naging hadlang para ako’y makapagblog alinsunod sa mga deadlines. Kung minsan pa nga, nauunahan ko pa ang deadlines. Ilang araw o ilang linggo bago kinakailangan, natapos ko na ang gawain. Nakakahinayang at nakakahiya mang sabihin rin na sa huling blog lang ako na-late ng ilang araw sa pagpasa. Para sa aming midterm paper, ako’y naging kritikal sa pagtataya sa isang konsepto ng sining at kabaklaan na karaniwan ay hindi nabibigyan nang sapat na halaga. Sa aking masigasig na panonood at pananaliksik, pinaghirapan kong buuin ang sanaysay na may patas na representasyon at nararapat na interpretasyon.

Isama na rin dito ang ilang mga bonus works/ blogs na naialok sa amin. 2 out of 3 na bonus works ang aking tinupad at pinaglaanan ng extra time and effort para gawin sa kabila ng ibang mga gawaing akademiko. Basta kaya kong gawin, ginawa ko. Nakatulong ang Fil12 para mahasa at malinang ang aking panunulat ng mga sanaysay sa isang kontemporaryong paraan, ang internet blogging.

PAKITANG-GILAS – Sinikap namin ng aking kapareha na si Raizza na makapagtanghal ng isang bidyo na nagpapamalas ng isang gawain na lubos naming alam at mahal. Katunayan, sa ilang taon naming ginagawa at pinagsasanayan ang mga rifle drills ay masasabi kong may awtoridad kami bilang mga dating officer na makapagturo ng mga basic rifle drills at makapagpamalas ng aming gilas sa mga fancy o advanced na drills. Pumunta pa kami sa dati naming high school para mag-shoot ng bidyo, at nagpaalam at nagpatulong sa aming dating komandante at mga kasalukuyang officers at kadeta para sa kinailangan naming mga gamit, lugar, at demonstrasyon. Nang mapanood na ito sa klase, positibo naman ang reaksyon ng mga kaklase namin. Sobrang cool daw ng mga ginawa namin. Sabi pa ni Ma’am na nagustuhan niya ito dahil kitang-kita ang aming natural na kadalubhasaan at kagalingan sa ipinakitang-gilas.

PARTISIPASYON – Sa bawat pagkikita, tiniyak ko na nabasa ko ang lahat o kung di man ay karamihan ng kinailangang basahin na tatalakayin noong araw na iyon. Isang beses ko lang hindi natupad ang mga akdang required basahin, at ito pa ang naging sanhi ng pagpapalabas ng marami sa amin sa klase. Subalit bago iyon at makalipas iyon, sinubukan ko talagang intindihin at pahalagahan ang bawat sanaysay na aming binaasa, at sinikap na makapag-recite sa klase sa bawat opurtunidad na kaya ko. Mainam din ikunsidera na sinadya kong makinig ng mabuti dahil lubos kong nasiyahan sa mga diskusyon. Hindi ako nabagot datapwat ako’y natuwa sa mga interesante at kritikal na diskusyon sa Fil12.

Sa mga tweets naman ng #Fil12, naging consistent naman ako na makapagpost ng 2 tweets kada linggo sa Twitter na nasa wikang Filipino. Mula Nobyembre hanggang mga unang linggo ng Pebrero ay madalas at regular kong natutupad ang mga ito. Sa mga huling linggo ko na lamang nakakaligtaan ang pag-alinsunod dito siguro dahil sa bigat ng mga ginagawang trabaho at iba pang mga isyu na naisantabi ko ang pag-tweet sa Filipino.

Tapat kong masasabi na matutuwa na ako sa markang B+ para sa semestre. Kontento naman ako sapagkat alam ko na binigay ko ang lahat ng aking oras at paghihirap naayon para sa asignaturang ito, at nagkulang man sa iilang pagkakataon, hindi matatawaran na nagsikap talaga ako para makakuha ng mataas na mga marka. Ang A sana ay isang “pleasant but welcome surprise” at kung nakuha ko man ito ay pakiramdam ko ay mas napahalagahan at nabigyang-pagkilala ang mga pagtitiyaga at pagpupunyagi ko sa Fil12.

Aliwan at Kiligan sa Nobelang Romansa

Until_I_Found_Yo_50e562c1c0b00

Naatasan kaming magbasa ng isang nobelang romantiko para sa Fil12 na klase. Mga pocketbooks na naglalaman ng mga kwento ng pag-ibig at romansa sa paraan at istilo na karaniwang ikinakabit sa masang Pilipino. Masasabing lubhang tinatangkilik ito ng masa, partikular ang isteryotipong katulong na isa sa mga pangunahing fanatiko nito. Huling-huli ng mga nobelang ito ang kwento ng Pinoy na may kilig at marubdob na damdamin at d

rama, kung saan ang bawat sensation ng panliligaw at pag-ibig, at ang di-mawawalang mga pang-akit sa senswal na elemento ay mga mahalagang sangkap ng komersalisasyon nito sa mga tumatangkilik.

Sa pagkakabit ng konsepto at ideya ng mga pocketbook na ito bilang libangan at hilig ng ating mga dakilang kasambahay at iba pang mga babaeng (karaniwan) naghahanap ng isang babasahin na pumupukaw sa emosyon at nagdadala sa kanila sa ibang mundo puno ng mga sari-saring kwento ng pag-ibig, interesante na sikaping alamin o intindihin bakit nga ba nagdudulot ito ng mga reaksyong ito. Kumbaga sobrang “click” ito sa masa. Sadyang napakalaganap at popular ng mga akda at gawaing may koneksyon sa romansa o pag-ibig, dahil sa mahilig tayong mga Pilipino sa mga istoryang may malaking tunggalian, mga kalamangan at kakapusan, mga imposebling pag-ibig, mga forbidden na pag-ibig, dahil karamihan siguro sa mga mahilig sa mga librong ito ay mga “hopeless romantics” at heart, na naghahanap lamang na mabubuhusan ng panahon sa mundo ng pag-ibig sa mga nobelang ito. Bukod sa mga tema at bagay-bagay na angkop sa lunan at kultura ng ating bansa, napakasimple at napakadaling unawain ang mga nobelang ito. Gumagamit ito ng wikang Filipino, ang wikang patok sa masa, at ang wikang aaminin ko ay iba talaga ang tama o intensidad kapag isinusulat o nababasa, lalo na kung magpapahiwatig ng mga damdaming malakas tulad ng pagmamahal. Maliban dito, may paghahalo din ng Ingles sa mga ito. Ang paggamit ng “Taglish” ay isang mainam na paraan para gawing mas moderno o kontemporaryo ang mga paglalahad upang mas maka-relate sa mga tao. Ang wikang ito ay mahalaga sapagkat nagiging “conversational” ang mga tagpuan dito, na ginagawang mas kapani-paniwala ang istruktura at daloy ng istorya. Isama na dito ang mga gasgas na elemento ng mga komplikasyon, kasiyahan, at kasawian ng pag-ibig, ngunit wag kalimutan kahit anopaman, kailangan ng happy ending sa mga nagmamahalan. Ang dakilang pagmamahalan ang nanginigbabaw sa lahat.

Sa pagpili ko ng isang babasahin mula sa sikat na koleksyon ng mga romansang pocketbook na Precious Hearts Romances, nahagilap ko sa bookshelf ang “Until I Found You” ni Jelaine Albert. Sa katotohanan, di ko alam noong una ano ang pipiliin ko kaya kumuha nalang ako ng palambang mula sa bookshelf at nahihiyang bumili nito. Bakit kaya ako nahiya? Malamang nasa asumpsyon ito na ako’y huhusgahan ng mga tao at nakakawala ng machismo ang pagbili nito, ngunit nalampasan ko din ito dahil kailangan eh. Nagulat ako dahil ang mura lang pala ng isang kopya. Sa 37 pesos, makakakuha ka na ng isang nobela na magbibigay ng kakaibang kwento ng pag-ibig kada koleksyon. Nang aking simulang basahin, natuwa naman ako sa inisyal na kwento. Isang kwentong maiuugnay sa pangaraw-araw na karanasan at walang kahirapang magkaroon ng konseksyon sa mambabasa nito. Bukod dito, parang may bali paminsan-minsan sa konbensyonal dahil sa mga reperensiya sa mga Ingles na kultura at pananalita.

Nakasentro ang kwento sa komplikadong pag-iibigan nina Louie at Berna, kung saan ang tila tinadhanang pagkikita nila sa isang bus sa kanilang biyahe. Ang lalaki, si Louie, ay gwapo, maputi, matipuno, at may magandang trabaho. Si Berna, isang konserbong babae na naging assistant ni Louie pansamantala sa kaniyang mga business affairs. Ang saligan na “hitting two birds with one stone” ay hayag, dahil makakapagtrabaho si Berna at makakapagtravel din nang libre dahil sa opurtunidad na ito. Sa kanilang maraming tagpuan ng kakiligan at tensyon dala ng namumuong pag-ibig, ang dalawa ay dumaan sa isang kwentong puno ng mga komplikasyon. Ang di napaghandaang paghulog ng loob ni Berna kay Louie, na pinahirapan ng di pagkaka-“get over” ni Louie sa kanyang dating mahal. Hinde pwedeng mawala sa mga ganitong klaseng istorya ang pagtutunggali. Hindi maaring puro kilig at ka-sweetan dahil boring yun. Ang daloy ng istorya at napuno ng mga tunggalian hanggang sa ebentwal na pag-iibigan ng dalawa sa isa’t isa sa huli. Sa lahat ng nagdaan at dinanas, nangibabaw ang kilig, ang damdaming di mapantayan at di matatawaran, ang pag-ibig.

Napakainteresante ng karanasang pagbabasa ng mga pocketbook na romansa. Maaring hindi ka sanay sa pangmasang “appeal” na dala ng mga ito, o maari din na di mo hilig ang sobrang gasgas na “formula” ng mga kwentong sumasalamin sa pag-iibigan ng mga Pinoy, subalit, kakaiba parin ang dala nitong simpleng aliw at kilig sa mga mambabasa nito. Ito ay isang salik ng ating sining at kultura na katangi-tanging Pinoy, at nagbabadya ng isang kaugalian at kamalayan na espesyal para sa ilang tao. Ang mga nobelang romansa ay isang uri ng panitikan na hindi mawawala o pagsasawaan sa paglipas ng panahon, bagkus, ito’y magbabago lamang at sasabay sa paglipas ng panahon.

Maraming henerasyon at dekada na ang nakalipas na nakasaksi sa mga pagbabago sa mundo ng panunulat at literatura. Mula sa mga anyo, porma, estilo, at tema, kapansin-pansin din ang paglaganap at pag-usad ng mga kababaihan sa panunulat, kaakibat ang kanilang sariling mga perspektibo at pananaw, na hudyat ng pogresibong pag-iisip at palaban na jornalismo. Ang pag-usbong ng mga babaeng manunulat sa mga kapanahunang historical at kontemporaryo ay nagpamalas sa lumalaking pagpapahalaga at pagkilala sa mga ito bilang makabuluhang bahagi ng sining at kultura na pangkaraniwang kumikilala sa isang patriyarkal na sistema.

Isang maliwanag na halimbawa ng modernong kahalagahan ng pagsusulat ng mga kababaihan ay ang pagdiwang ng 18th Paz Marquez Benitez Lecture Series ng Ateneo Library of Women’s Writings (ALIWW) noong Pebrero 21, 2013 sa Escaler Hall ng Ateneo de Manila University. Layon ng pagsasama-sama ng 18 sa mga pinakatanyag na babaeng manunulat mula sa iba’t-ibang disiplina ng jornalismo ang mabigyan ng karangalan sa pamamagitan ng paglabas ng isang pampublikong koleksyon ng mga pinakamahuhusay na akda nila sa loob ng mga dekadang lumipas. Pinangunahan ng mga kapita-pitagang panauhin na sina Ceres Doyo, tagpamunong patnugot ng Philippine Daily Inquirer, Jo-Ann Maglipon, ang punong patnugot ng YES! Magazine at PEP.PH (Philippine Entertainment Portal), at Marites Vitug, ang punong patnugot ng online news agency na Rappler.com ang pagbahagi at diskusyon ng mga makabuluhang karanasan, kaalaman, inspirasyon sa kanilang propesyon na pagsabak sa makulay na mundo ng pagiging isang manunulat.

Sa bawat kwento ng paghihirap at pagsubok na pinagdaanan ng mga panauhin, nanaig ang sensibilidad ng tunay na marangal na manunulat, saan mang larangan ng literatura ang tahakin. Nakakaengganyo ang mga kwento ng paglaban para sa katotohanan at paninindigan sa tama kahit ano pa man ang mga kumokontra na pwersa ng katiwalian at panunuhol. Naiparating ng mga kababaihang manunulat sa kanilang mga pagbabahagi ang mensahe ng prinsipyo at mga personal na pagpapahalaga sa lahat ng mga kinakailangan na tahakin na pagsubok, paghihirap, kaginhawaan, at lahat ng mga karanasan na kapupulutan ng aral. Sila ay mga manunulat na lumaban ng walang takot, hindi ininda ang mga sensura, suhol, demanda at iba pang mga panganib sa kanilang pagtuklas at paglantad sa katotohanan. Ang katotohanan na walang kinikilingan at walang pinapaboran, ngunit esensyal sa pag-unlad at pagtaguyod sa tamang landas na tahakin at progresibing panunulat sa lipunan. Maraming beses na ang iyong isinusulat ay hindi ang popular na desisyon o panig ngunit kapag ang totoo at tama ang iyong pipiliin ang kredebilidad at integridad mo ay ang magtataguyod sa iyong posibleng tagumpay.

Ang pagdalo ko sa panayam na ito ay nakapagbukas ng aking kamalayan at karunungan ukol sa makabuluhang kontribusyon ng mga kababaihan bilang mga manunulat sa lipunang Pilipino. Iba ang sensibilidad, istilo, at epekto ng mga paksa at akdang naisabubuhay ng mga babae. Isang patunay ang mga parangal na ito sa pagpapatuloy ng pagsulong ng mga babae sa eksena ng literatura sa ating bansa. Ang patriyarkal na kaisipang unti-unting nabubuwag dahil sa kahusayan at katatagan ng mga babaeng  manunulat.

PAG-USBONG SA PANUNULAT: SILAKBO NG KABABAIHAN

Ang Pagsaksi ko sa Epikong Labaw Donggon

Larawan mula sa: https://www.facebook.com/ENTALabaw?fref=ts

Ang huling handog ng Ateneo ENTA sa kanilang ika-30 taon na “Labaw Donggon: Ang Banog ng Sanlibutan” ay isang pista para sa mata, isang produksyong yaman sa  kagandahan estetiko at sining, kahanga-hangang pagganap ng mga karakter at tagpuang malikhaing bumihag sa mga manonood.

Bago pa man ko panoorin ang dula, napaka interesante na ng impresyon ko dito dahil sa samu’t saring reaksyon na naririnig ko tungkol dito mula sa aking mga kaklase’t kaibigan. May mga nagsabi na sobrang ganda daw, at lubos na nagustuhan nila, at may iba naman na hindi masyadong natipuhan ang dula at nakuntento lang sa pagtatanghal. Ang naghahalong opinyon dito ang nagdulot ng pagtataka kung masusulit nga ba ang Php 300 ko sa panonood ng Labaw Donggon.

Nang dumating ang araw at oras ng panonood, pumlia ako sa may Cervini field kasama ang ilang blockmate at doon palang ay nakakapanibago na ang pakiramdam. Ang pagtatanghal sa labas ng teatro, at ang paggamit ng espasyong iyon ay nakadagdag sa elemento ng pananabik, dahil sa kawalan ng katiyakan kung uulan o hindi at paglalantad sa mga insekto na maari din.

Habang hinihintay ang simula ay ibinaling ko ang atensyon ko sa paligid ng tanghalan: mula sa simple ngunit akmang entablado na may mga halama’t puno, set-up ng upuan, hanggang sa mga lighting at speaker na mukhang madiskarte ang pagkakalagay. Kahit di pa nagsimula at base lamang sa pauanang impresyon ay sabi ko sa mga katabi ko at sila’y sumang-ayon na, “Ang ganda dito! (nung ambiance)”

Sa daloy ng kwento at pagtatanghal, napansin ko ang simpleng balangkas ng epiko, ang mga karansan ni Labaw sa pagpupursigi sa tatlong pagpapangasawa niya, ang mga paghihirap at pagtutunggali sa mga kalaban niya sa mga ito, at ang kabayanihan ng mga dalawa niyang anak sa pagsalba sa kanya sa huli. Aminado naman ako na dahil sa kapaguran, medyo nakaapekto ang kaantukan ko habang nanonood. Kaya natural na di ko naunawaan ang kabuuan ng mga diyalogo’t kanta, at maaring nakalimutan ko ang ibang saysay at kahulugan ng mga eksena. Ang totoo ay nakapagbuhay sa akin, at marahil sa karamihan din ang karakter na best friend ni Labaw na si Sandig. Siya ang nagsilbing “comic relief” o pampatawa sa karamihang seryosong eksena. Ang mga interaksyon at paglalaro niya sa mga manonood ay kahi’t papano nagpabuhay at nakatulong sa pagkaintindi sa kwento. Sa pagkanta at pagsayaw, hindi matawaran ang husay ng mga nagsipagganap.Wala akong napansing karakter na hindi bihasa sa pagkanta, maaring may sintunadong nota sa ilan, ngunit kapuri-puri sa kabuuan. Ang koryograpiya ng sayaw at kilos sa mga eksena tulad ng labanan ay malikhaing naiparating sa mga manonood. Napakahusay at katangi-tangi ang pangunahing tauhan na si Labaw sa mga galaw at sayaw niya. Halata na praktisado at may angking kakayahan sa pagsayaw ang aktor, at hindi rin pwedeng isawalang bahala ang galing din ng boses niya. Talagang puno ng emosyon na tamang-tama, kung saan lahat ng gumanap ay nagpamalas ng angking galing sa pagsabuhay ng emosyon na bagay sa eksena. Maganda na kahit simple ang props at stage design ay naigamit naman ito nang maayos, dahil nakadagdag sa eksena’t tagpuan ang lighting na mahusay ang paglalapat. Ang musika ay isa din na nakadagdag sa ambiance o kapaligiran ng kwento sa bawat pangangailangan ng mahinahon hanggang sa matitindi na areglo ng musika, na hindi naman malayo sa ibang katutubong musika, ngunit ang nakapagpatangi dito ang halong modernong effects sa music, na tila may remix sa musika sa ibang mga bahagi. Nagustuhan ko din ang mga kasuotan na nagpabagay naman sa diwa ng produksyon, kung saan ang ibang kasuotan ay kapansin-pansin na pinaggastusan dahil sa kagandahan nitong nakapagpapahanga. Maliban sa mga karakter, mahalaga din na mabigyang parangal ang mahusay na pagtatanghal ng mga kasapi ng koro (chorus), na bukod sa suporta sa mga kanta’t sayaw, naigamit ng husto sa pag-galaw at pagbigay buhay sa entablado, partikular sa set at props. Wala talaga akong masabi kundi napakahusay at isang kalidad na produksyon ang Labaw Donggon.

Maraming beses na dahil sa sobrang pagod at antok ko ay gusto ko na sanang makatulog, pero hindi ko magawa. Sa pista para sa mata na pagtatanghal na ito, hindi ko magawang hindi mapahalagahan ang ilaw, ang entablado, ang musika, ang mga aktor, at ang mundong nakapagpalimot sa akin na nasa Cervini field nga lang pala ako. Sa ganitong pag-iisip, sulit na sulit ang bayad sa panonood rito. Isang kakaibang karansan sa panonood ng dula na may ganitong kapaligiran na panlabas, ngunit parang kasingtaas pa rin ng kalidad ng pagtatanghal sa mga teatro tulad ng CCP.

Kung may isang kapintasan ang “Labaw Donggon”, ito siguro ang pagiging medyo makaluma o “dated” nito. Dahil sa ito ay tradisyunal na panunulat ay sumunod na medyo tradisyunal din ang paginterpreta dito, kaya hindi siguro nagustuhan ng lahat ng manonood. Mahirap na mahikayat ang mga batang manonood na talagang mapahalagahan at mapahanga sa ganitong klaseng mga dula, na karaniwang pormal na Filipino ang lenggwahe at ang diwa ng istorya ay makalumang kultura. Bagaman may konting hirit para mawili ang ilang manonood, hindi maiiwasan na mahirap parin makuha ang paghanga ng ibang estudyante, lalo na ang mga hindi masyadong nakakaintindi ng wikang Filipino.

Ang epikong “Labaw Donggon” ay isang pagtatanghal na nakasentro sa paglinang ng sining at kulturang Pilipino. Ito ay isang produksyong malikhain at mahusay na naipinta ang kwento ng pagmamahal sa kakaibang kultura sa sinaunang kapanahunan. Sa aking palagay, hindi binigo ng ENTA ang mga nanood sa palabas na ito.

Muni-Muni sa MRT at LRT

Nakalipas na ang mga araw ng kasiguraduhan at kaginhawaan ng araw-araw na paghatid at pagsundo sa akin papunta at mula sa paaralan. Ang buhay ng katiyakan sa transportasyon sa bawat pagluwas ay hindi na ganoong kadalas ngayong nasa kolehiyo na ako dito sa Ateneo. Talagang kay saklap nga lang minsan dahil sa pagpasok sa Ateneo, may kalayuan at trapiko na kailangan baybayin bago makarating sa Quezon City mula sa bahay namin sa Parañaque. Sakripisyo ng mas pinaglaanang oras at inaakmang iskedyul ang bagong buhay ngayong kolehiyo na ako. Dahil sa wala pa akong sariling kotse, para makaiwas sa kalayuan at trapik, nagcocommute ako mula Ateneo hanggang Ayala sa Makati para masundo kasabay ng aking kapatid na nag-aaral lang sa lugar na iyon. Kaakibat din ng aking mga diskarteng carpool at pakikisabay sa mga kaibigan, ang karanasan ko kada biyahe ay pinakakaraniwang binubuo ng pagsakay sa tren ng MRT at LRT. Sa kaslukuyang semestro, nakakasakay ako sa tren kapag umuuwi mga tatlong beses sa isang linggo. Dahil sa kasamaang-palad ng pagkakaroon ng 7:30 na klase araw-araw, sumasabay ako sa carpool ng aking kapitbahay na taga Ateneo Grade School at High School, na mabuti na rin sa pagtitipid at kaluwagan imbis sa pag-commute. Dati noong nakaraang semestre, nakakabiyahe pa ako sa tren papunta ng Ateneo dahil hapon ang pasok ko sa ilang araw.

Ang pagsakay sa MRT at LRT ay nakagawian ko na ng lubos ngayon, tila “automatic” na dahil sa maraming beses na naranasan ito na nagiging “routinary” o pangkaraniwan na bahagi ng aking araw-araw na lakad. Kung dati nung high school ay masabi kong di ako marunong at may konting kaba at takot pa ako sa biyaheng MRT at LRT, ito ay dahil di pa ako ganun kasanay na nagpahiwatig ng mga alinlangan at mga kawalang-tiyakan ukol dito. Kung noong unang semestre ay magmamadali ako na umalis para makarating sa Makati kahit na titiisin ang hirap ng commute, ngayon naman ay medyo nagsasawa na ako at mahirap nang hanapin ang pasensya sa pag-commute kaya kung kaya ay makikisabay nalang ako sa iba, diskarteng mas pabor sa pag-iwas sa siksikan, init, pila, kapawisan at kadungisan na nadudulot ng pagiging pampublikong pasahero.

Sa mga araw na luluwas ako papuntang Ayala sa pamamagitan ng tren, agad akong lalabas ng Ateneo kapag wala na akong kinakailangang gawin o wala nang pinagkakaabalahan. Kapag medyo nakaluluwag at may sobrang perang nakalaan, sasakay ako ng trike palabas ng kampus, papunta sa may dulo ng Katipunan, sa may Mini Stop na isang liko nalang at konting lakad ay papasok na ng LRT-2 Katipunan Station. Kung di naman ang trike, lalakarin ko lang ang daang papuntang Blue Eagle Gym, palabas ng Grade School hanggang sa may terminal ng dyip na kaharap din ng Mini Stop. Php 25 man ay medyo mahal kahit kayang lakarin ang parehong daan na mas malapit naman, may mga araw talaga minsan na ayoko masyadong mapagod at mapawisan, at kahit may kaartehan at kababawan, hindi ko minsan gustong dumaan sa medyo maduming bahaging iyon sa pag-aakalang ang trike ay mas komportable talaga. Lalakad ako lampas sa Mini Stop sa isang medyo makitid na sidewalk papuntang istasyon. Mga nadadaanang basura, mga nalalanghap na usok mula sa sasakyang dumadaan, mga pulubi’t tambay, at mga vendor sa tabi nito ay mga elementong nakakabit na sa aking isipan. Sa halos araw-araw na nakikita ko ang mga ito, nauunawan ko talaga na wala na ako sa Dasmariñas Village tulad nung high school, at isa na akong ganap na commuter, at ang mga ganitong eksena ay unti-unti ko nang nararanasan na mula sa gulat at hesitasyon, ay nagpapatatag lamang sa aking pagiging mas mulat,  independiente at responsable para sa aking sarili sa bagong yugto ng aking buhay. Sa pagdaan ko palabas ng Ateneo at mga eskinita ng Katipunan, mga 10-15 minuto ang nakakalipas.

Pagdating ng istasyon ng Katipunan ng LRT-2, pagkatapos ng inspeksyon ng bag, pipila na ako para sa tiket papuntang Cubao na halagang Php 12. Lagi akong nagdadala ng mga baryaat madalas na itong nakahanda sa bawat pagbiyahe. Bihira na mahaba o matagal ang pila sa Katipunan, kaya bihira lang ako bumili ng stored value card. Yun nga lang, dahil sa underground ang istasyon na ito, ay lagi’t lagi akong papawisan dito. Nakapagdadagdag ang aking bag sa pawis sa likod, kaya habang hinihintay ang tren ay tatanggalin ko pa ang bag, at magpupunas ng pawis, yun ay kung may oras. Sinasadya ko na mag-abang sa ikalawang marker ng pintuan, ang unang pintuan pagkatapos ng  priority lane ng mga buntis, matanda, at may kapansanan, sapagkat ito ang pinakamalapit sa hagdaanan pagbaba sa Araneta-Cubao station.
Pagsakay ng tren ay makaka-relax ako kahit papano. Hindi na ako umuupo dahil wala pang limang minuto ang biyaheng dadaan lang sa Anonas tapos Araneta na. Nababawi ang pawis at init ng paglakad sa malakas na aircon habang hinihintay ng dalawang istasyon bago ako bumaba. Lagi kong naiisip na ang ganda at ang linis ng line 2 ng LRT. Sa malakas na aircon, malinis at napakaluwag na coaches, at malinaw na signages sa paligid, hindi maipagkakaila na moderno at maayos ang linyang ito. Sasabihin na ng voiceover ng tren na nasa Araneta Center-Cubao Station na, kaya agad akong lalabas pababa ng hagdanang malapit lang sa aking pinto. Kulang-kulang 10 minuto ang pag-abang at biyahe papuntang Cubao.

Sasalubong sa aking ang pasukan ng Gateway Mall na tapat lamang sa istasyon ng LRT-Araneta Center-Cubao. Sa lagi kong pagdaan dito, nakakabisado ko ang mga tindahan at kainan sa halos buong mall. Minsan, nakakapasyal pa ako  kung may libreng oras bago sunduin sa Makati, kaya ang shopping ay hindi lang limitado sa Ayala Center. Nakadugtong sa Gateway at Araneta Coliseum ang sunod kong dinadaanan na mall, ang Farmer’s Plaza. Ang Farmer’s Plaza ay may lusutan sa MRT-Cubao Station na aking nililipatan para makarating sa Ayala. Aminado ako at medyo burgis man ang dating na masasabi ko talaga na mas pang-masa o jologs o “jej” ang tiangge at mall na ito, ngunit nakikita naman ang sikap na mapaganda pa ito. Pagkatapos ng ilang pasiku’t-sikot sa mga daan na tila “second nature” na sa akin sa dalas ko na madaanan ang mga ito sa dalawang mall sa loob ng mga 5 minuto, mararating ko na ngayon ang MRT-Cubao Station.

Sa istasyon ng Cubao, medyo di matatansya ang dumog ng tao sa mga pila, may ilang beses na banayad ang pila, ngunit mas madalas naabutan ko ang mahabang pila, na dulot ng kabisihan ng Cubao at karatig lugar. Sa istasyon na ito ako nagpapahinga at kumakain/umiinom. Konting samalamig o gulaman sa mga tabing tindahan, at ang paborito kong meryendang pang-commute ang siomai na may garlic chilli na ubod ng sarap. Katunayan, tanghalian ko na ang simple at murang pagkain na ito. Pipila ako ng may konting katagalan, at tatagaktak nanaman ang aking pawis sapagkat mula sa aircon na mall, ay titiisin na naman ang init at dami ng tao bago makasakay. Tulad ng di matansyang pila, ang pag-abang o pagpila rin sa itaas ng istasyon ay maaring banayad hanggang sobrang siksikan. May ilang beses na sa dami ng tao ay tatlong tren ang hinintay ko bago makasakay, pansin na rin ang pagpwersa ng ilang tao sa kanilang sarili sa pinto para lang makaskay agad.

Pagsakay sa MRT, ang naiisip ko minsan, “Ang layo sa itsura sa LRT-2”, dahil mapapansin talaga na kalahati lang siguro ng espasyo ang nasa MRT kumpara sa lawak ng tren ng LRT-2. Ipoposisyon ko ang sarili ko madalas sa ikatlong pintuan mula sa dulong bahagi ng tren dahil natantiya ko na talaga na dun ang halos eksaktong labasan na tapat sa escalator pataas sa Ayala Station, at bonus nalang dito ang malakas na aircon. May konting kahabaan ang biyahe mula Cubao. Santolan-Annapolis. Ortigas Avenue. Shaw Boulevard. Boni Avenue. Guadalupe. Buendia. at sa wakas, Ayala Avenue. Sa halos 20 minuto na nilalagi ko sa tren, ang dami kong naiisip at til kinakausap ko ang aking sarili sa aking isip. Mula sa mga pag-iisip patungkol sa kolehiyo, acads, mga kaibigan, pamilya, mga napanood sa TV o internet, o mga inaabangan at kinatatakutan kong mangyayari sa susunod na mga araw o linggo. Isabay na sa pagmumuning ito ang panonood ko sa paligid ng bawat istasyon. Nabibigyan ako ng tour ng trapik, sitwasyon, pati na rin ang mga bagong billboard sa EDSA.

Pagkatunton ko ng Ayala station, aakyat ako sa mga escalator at pakiramdam ko ay mas panatag dahil tapos na ang pag-commute ko. May kaluwagan ng loob dahil kahit nasalitan ang pawis, usok at lamig ng aircon sa pagod ng biyahe, ay mag-aabang nalang ako sa Glorietta para sa aking sundo. Kung may oras, di mawawala ang pagkain at pagpasyal sa mga tindahan at kainan. Minsan ko nang naikot ang kabuuan ng Glorietta, SM, at Greenbelt sa kabagotan ko minsan, at ang shopping ay isa din sa mga nagagawa ng paghintay, mag-isa man o kasama ang aking kapatid at nanay. Pagsundo sa akin sa hintayan ng Glorietta ay mas komportable na ako, kahit medyo pagod, pawis, at nakagastos ay alam kong ligtas aking makakauwi kasama ang aking pamilya.

Mahirap, nakakabwisit, at nakakapagod man sa ilang panahon, napapahalagahan ko ang pag-commute. Natuturo nito ang pag-alaga sa sarili, pag-priyoridad, at diskarte sa buhay. Ang pag-commute ay napakaimportante sapagkat napapatunayan ng karanasan dito na kaya mong maglakbay sa Metro Manila nang may diskarte. Iba talaga ang karanasan at buhay kapag commuter ka. Ang oras at pera ay mas nabibigyang-halaga. Dati di ko pinapansin ang mga barya di tulad ngayon na talagang iniipon ko ito, at nasasabing bawat piso ay makakatulong. Ang pag-commute ay magandang pagsanay sa isang tao na nakakatulong sa pagpapatatag ng karakter. Importante ang pagmulat sa buhay na ito para sa isang mas maayos na pagpapahalaga at pagkakaunawa sa buhay. Kahit na magkaroon na ako ng sariling kotse, dala-dala ko parin ang karanasan at muni-muni habang ako’y nagco-commute pa.

KONTEMPORARYONG KABAKLAAN SA PELIKULANG INDIE

      Sa sining at kulturang umiiral sa ating lipunan, laganap ang mga tinatawag na mainstream media, mga pelikula, palabas, musika, at iba pang elemento ng sining na mas nabibigyang pansin dahil sa lawak ng pagpapairal, mataas na pagpopondo at promosyon, impluwensiya at hatak ng mga artista’t kumpanya, at malikhaing pagsasalamin ng kulturang popular. Sa kabilang banda, nariyan din and mga bahagi ng sining na hindi gaanong nabibigyang-pansin at atensyon ng madla, ito ang mga gawang indie o “independent.” Ang kakanyahan ng mga ito ay dahil “independent” ay ibig sabihin halos sariling sikap at pagpapasiya ang nasusunod sa produksyon at diwa ng mga ito. Ang indibidwal na pananaw at ideya ng artista ang nananaig dahil sa kawalang ng pagpipigil ng mga kumpanyang pamproduksyon.

      Sa indie cinema, karaniwan ang mga mas maliliit ang pagpondo, mas simpleng produksyon, ngunit tumatalakay sa mga paksang sadyang napakalayo sa mga mainstream o kulturang popular: mga paksang mas sensitibo, kontrobersiyal, at madalas mga bawal o taboo, mga paksang mapangahas at mahusay na sumasalamin sa mga realidad ng estado ng lipunan. Angat sa indie ang estetiko at istilong indibidwal. Hindi nahahadlangan ng kumpanyang produksyon o askpektong sensura, na namamalas sa mga natatanging temang kontrobersiyal ngunit napapanahon.

      Taliwas sa limitadong saklaw ng mainstream media na limitado sa kulturang popular at mga katulad ng mga banyagang pagpresenta ng media, tinatampok ng indie films ang mga temang di-karaniwang komersyal o agad na makakaakit sa madla tulad ng mga realidad ng kahirapan, bisyo, at iba’t ibang perspektibo ng sekswalidad, lalo na ang homosekswalidad. Ang konteksto at bisyon ng paggawa ng mga independent films ay nakatuon sa pagpapahiwatig ng mensahe at imahen na mas tapat sa realidad ng lipunan, kung gaano kasarap o kasaklap ang mga karanasan ng buhay, mga katotohanang umiiral sa ating bansa. Natural na rin na dahil sa mga hadlang ng kakaunting pondo at limitadong produksyon na limitado rin ang pagpapakalat at pagbabahagi ng mga obrang ito sa masa. Ang mga pelikulang indie ay kalimitang laging  tasado pagdating sa mga pagpapalabas sa sinehan at teatro. Sa ating bansa, nananatili ang mataas na pamantayan at paggalang sa mga independent films, dahil bukod sa kahalagahang sining nito at kahusayan ay madalas ang mga pagkilala sa mga ito sa iba’t ibang film festival dito pati narin sa ibang bansa, at ang paghakot ng mga espesyal na parangal at papuri mula sa mga kritiko at alagad ng sining.

      Sinasabi na ang paggawa at pagsabak sa indie films ay isang karanasang nakapagpapabago sa karera ng mga artista’t director, at ng buong pangkat ng produksyon. Isa sa mga pinakalaganap at pinakatampok na paksa ng mga pelikulang indie ay ang homosekswalidad, partikular na ang pagiging gay o kabaklaan. Sa paglipas ng mga taon ay naging progresibo din ang pagtatanghal ng mga temang sekswalidad dahil naibahagi ang iba’t ibang dimensyon at perspektibo, positibo’t negatibo, ang kabuuan ng kabaklaan. Halimbawa nito ay mga pelikulang “Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa” at “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros” na mga mainam na pagpahiwatig ng sining at kabaklaan sa kontemporaryong kapanahunan.

      Maliwanag ang pagkahitik sa parehong sining at kabaklaan ang pelikulang “Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa”  ni Alvin Yapan sa kadahilanang naangkop ang istorya ng tila isang kinumplikadong kwento ng pag-ibig dahil sa pagkadala ng emosyon at senswal na kaigtingan dulot ng pagsayaw at patulang mga paglalahad. Nagsimula ang kwento kung saan ang estudyanteng si Marlon ay nahuhumaling sa kanyang guro ng literatura na si Karen, at para makalapit o magpapansin siya dito ay magpapaturo siya kay Dennis na kanyang ka-eskwela upang matuto sa pagsasayaw. At sa mga paulit-ulit na pagkakatagpo sa pag-eensayo ay madadala ang dalawa ng napakasenswal na mga pagsayaw at magkakaroon ng mga espesyal na tingin o pagmamahal para sa isa’t isa.

      Ang orihinal na pagpapasiya ni Marlon para maakit ang gurong si Karen ay nabago bilang pagkakaroon ng matalik na relasyon kay Dennis, na noong una ay kanya pang tinatanggihan, ngunit sa huli ay napagtanto ang totoong nararamdaman na romantikong interes para sa kapwa lalaki. Bukod sa maririkit na sining ng sayaw na nagsilbing tulay sa realisasyon ng tunay na pagnanais na homosekswal, ang paulit-ulit na pagbida ng mga patulang berso ay nagsilbi din na pahiwatig ng artistikong diskurso, kung saan nadala nito ang naratibo sa isang malikhaing interpretasyon kasama ang mga kilos ng sayaw. Ito ay mga nagsilbing estetikong salik na nagpatakbo sa kwentong naging erotiko at homosekswal ang pagsasayaw ng dalawang lalaki. Naging matalino at makatarungan ang pakilala sa mga relasyon ng mga bakla. Nawala ang mga nakasanayang estereotipo kung saan ang kabaklaan ay laging nakakabit sa pambabaeng katangian na tinutupad. Imbis na tipikal na lantad na bading na maingay at kilos babae ay nabigyan ng interpretasyong ang kabaklaan ay pwede rin maihayag ng mga lalaking matipuno, kilos-lalaki ngunit nag-iba lang sa kagustuhang sekswal. Isang napakahusay na pagpapalabas ng isang bali ng estereotipo dahil sa panibagong pagmulat sa ibang anggulo at sitwasyon ng kabaklaan sa lipunan, na naging positibong pagsasalamin sa pelikula.

      Naipakita naman ng “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros” ni Aureus Solito ang isang buhay ng 12-anyos na batang tinatawag na “Maxi” na isang lantad na batang bading. Ang kanyang kilos, pananalita, at kasuotan ay maihahambing bilang pambabae, at ang kanyang sekswalidad ay tanggap niya at ng kanyang pamilya’t kaibigan kahit bata pa lamang siya. Tanggap na tanggap siya ng kanyang pamilya ng may buong pagmamahal. Nakasentro ang istorya sa pakikipagsapalaran ni Maxi sa pag-ibig para sa isang pulis sa kabila ng banta sa kanyang pamilya na kriminal na gawain ang inaatupag. Maraming mga napagdaanang kawalan, sakripisyo at leksyon ang bata sa pag-unawa at pagtuto mula sa pag-ibig at pamilya at ang kahalagahan ng mga ito. Nagsilbing pagpapamalas ng kaganapan sa gulang ang “pagdadalaga” ni Maxi sa kwento. Matagal na siyang nagsilbing responsableng anak na inuuna ang kapakanan ng mga kapatid at tatay sa pag-aalaga ng mga gawaing bahay.

      Ang “pagdadalaga” ni Maxi ay dala ng pagkamulat sa mga pahamak ng mga kamalian at kawalan ng katarungan, lalo’t higit ang pagdaan sa proseso at kumplikasyon ng pag-ibig. Napagdaanan ng bata ang masaklap na realidad ng pagmamahal, at nalaman ang mga sakripisyo ng hindi ideyal o ordinaryong pagkahumaling. Sa kurso ng pelikula ay ninais niyang makipagsapalaran sa proteksyon ng kanyang pamilya at ng pagmamahal niya kay Victor (pulis). Maraming mga masaklap na pinagdaanan si Maxi, kabilang ang pagkamatay ng kanyang tatay sa kamay ng mga pulis na nag-udyok sa kanya at sa mga kapatid niya na talikuran ang buhay ng gawaing ilegal at kriminal, at sa halip ay mabuhay ng matiwasay para sa kinabukasan ng buong pamilya. Sa desisyong ito, nagkaroon ng matinding realisasyon si Maxi sa konsepto ng pag-ibig. Natutunan niyang kontrolin ang kanyang mga damdamin para sa mga priyoridad niya sa buhay.  Mula sa simpleng pagtupad ng gawaing bahay ay nabigyan ng panibagong buhay na may prinsipyo at kaalaman para sa mas ganap sa paggulang at responsibilidad. Dito sa pelikulang ito ay salungat ang pagganap sa mga bakla dahil sa lantarang pagpakita ng buhay ni Maxi. Isang napakapositibo at nakakatuwang pagpresenta ng batang bakla na napagdaanan ang kahirapan ng buhay sa iba’t ibang aspekto, ngunit namulat sa sariling kakayahan at lakas na magpatuloy sa buhay at maiangat ang kanyang kinabukasan.

      Parehong akmang naisabuhay ng mga pelikulang ito ang mga kasalukuyan o modernong estado at sitwasyon ng kabaklaan sa sining at kultura n gating lipunan. Makikita ang mas obhektibo at makatarungang representasyon ng mga homosekswal sa pelikulang indie. Mainam na may mga paksang ganito na nagpapaikot sa sinemang indie sapagkat habang patuloy na progresibo at pasulong ang mga pananaw at pagtingin sa kabaklaan ay unti-unti rin mababago ang takbo ng indie sa direksyong realidad, may kabuluhan, kahulugan, at kapangyarihan sa pagbabago.

 

Mga Sanggunian:

            “Tag Archives: Ang Sayaw Ng Dalawang Kaliwang Paa Review.” Young Critics Circle Film Desk. N.p., 26 June 2012. Web. 30 Jan. 2013.

Soriano, Rianne Hill. “Film Works.” : Rianne’s Film Blog. N.p., 12 July 2006. Web. 30 Jan. 2013.

“Gusto Ko Maging…”

Doktor. Abogado. Inhinyero. Sundalo. Pulis.

Ito ay ilan sa mga pinakapopular at pinakakaraniwang isasagot ng mga bata sa napakagasgas na tanong sa kanilang kabataan na, “Anong gusto mo maging paglaki mo?” Di matawaran ang mas mataas at mas pinapaboran ang mga sagot na ito dahil sa kakaibang dangal at pagkahanga na nakakabit sa mga trabahong ito sa ibang mga uri ng hanapbuhay na inaambisyon.

Ngunit sadyang malayo at medyo kakaiba ang dati kong hilig at pangarap para sa aking paglaki. Gusto ko dati maging isang game show host.

Siguro isang kabalintunaan ang pag-iisip ko nito dahil nung bata ako, sobrang tahimik at mahiyain ko, na tila di makabasag pinggan ang personalidad ko, salungat sa kinakailangan ng isang game show host na karisma at patawang personalidad na nagpapabuhay sa pag-host. Nagsimula ang munting pangarap at pagkabighani sa mga game shows noong nasa kinder-prep pa ako sa eskwelahan. Dahil pang-umaga ang pasok ko, nakakauwi ako ng tanghali, at naabutan ko ang mga noontime shows tulad ng Eat Bulaga at MTB (Magandang Tanghali Bayan), kung saan lagi akong nakatutok sa mga ito hapon-hapon. Palipat-lipat ako ng channel sapagkat parehong may mga kakaibang mga laro at segment na nagpapasaya at nagpapatawa. Sa mga larong nagbibigay ng mga milliones galing sa mga kahon o bayong, hanggang sa pag-ikot ng roleta para sa kwarta, talagang nakakabighani ang mga game shows para sa akin. Iba ang “thrill” at misteryo ng pagsubok ng kapalaran sa mga programang ito, at idagdag na rito ang katatawanan na parang lubos ang saya ng trabaho ng mga host doon.

Isa din sa pinagkaabalahan ko maliban sa mga props at mechanics ng game show ay ang mga mikropono. Medyo mababaw ang dahilan, pero ang laki ng naging  pagkahilig ko sa mga mic nung bata ako. Sa sobrang pagka-aliw ko sa mga mikropono, nagkaroon ako ng ilang mga laruang mic at katunayan, nagkaroon din ako ng mga totoong mic (wireless na at may stand pa!) na aking ginamit sa pagkukunwari at pag-ensayo bilang isang host kunwari. Ang nakakatawa pa dito ay bihira lang ang mga salita ko sa pagpraktis hawak ng mic, kadalasang tinatapat ko lang sa aking bibig, magpo-pose at titignan ko lang ang sarili ko sa salamin. Siguro ang hilig ko sa mga mic noon ay dala ng pag-iisip na kapag hawak mo ito, ay ikaw ang bida, ikaw ang nagpapatakbo ng programa, at lahat ng atensyon ay nasa iyo kapag nagsalita ka na sa mahiwaga at maganda mong mikropono.

Naalala ko rin ang dati kong gawi na kokopyahin ko ang ilang mga laro ng mga variety show at susubukan kong ilaro sa aming bahay. Ginaya ko dati ang “Pera o Bayong” ng MTB, kung saan pipili ang kalahok ng isang bayong mula sa marami at pwedeng ilaban ang laman ng bayong o ipagpalit sa ibang bayong o halaga ng pera.  Samu’t-sari ang mga premyo mula mga gamit pambahay, pagkain, hanggang sa libu-libo at milyun-milyong salapi. Sa aking bersyon, gagawa ako ng mga karatulang may iba’t ibang premyo: bokya, kung anong gamit sa bahay, P 100, 000, P500,000, P 1,000,000 at iba pa. Napakaambisyoso at napakamahal ng iilan dito na hindi ko naman kayang ibigay ngunit minsan natatawaran ng sankatutak ko rin na play money, ang kumukumpleto sa aking props. Sinisiksik ko ang mga nagawang karatula sa gilid ng aming kabinet at nagmimistula siyang kahon nito, kung saan ang paghugot nito ay nadadagdagan ng “suspense” at konting kapani-paniwalang pakiramdam. Pagkatapos ay lalaruin ko na ito kasama ang aking pamilya, karaniwan ang kuya ko, at sa mga paglalarong ito ay nabibigyan ako ng kakaibang sigla at kasiyahan dahil natutupad ko yung mga munting pangarap ko nun. At marahil nasisiyahan na rin kahit papano ang mga kapamilya kong nakikisali sa mga pakulo ko dahil nananalo din naman sila minsan, kahit play money lang (na pinapabalik ko rin pagkatapos).

Napakalawak ng mga naging pangarap ko sa buhay sa mga nakalipas na taon. Ngunit sa pag-alala ng aking kabataan, nanaig ang una kong libangan na manood at magaya ang mga game shows, kung saan ako yung host nito. Sa aking buhay-kolehiyo ngayon, nakatuon ako sa kursong Komunikasyon, na nakatali sa media at produksyon, at isang indikasyon ito marahil na mapapalapit ako sa mga nauna kong pangarap. Marami ang nagbago sa akin sa paglaki ko, kasama na rito ang pagiging di na ganoon kahiyain at mas bukas sa mga opurtunidad ng pagpapakitang-gilas. Malay natin baka matupad ko din naman pala ang pagiging game show host.  Tignan nalang natin.

El Presidente: SI Aguinaldo at ang Pinilakang Tabing

Image

Tuwing sasapit ang kapaskuhan ay tila isa nang nakakabit na tradisyun dito ang Metro Manila Film Festival o MMFF, kung saan ibinabandera ng mga pinakamalalaking kumpanya at network ang kanilang pinakasikat at bigating mga artista at direktor sa mga pelikulang iba-ibang genre tulad ng Comedy, Drama, Fantasy, Horror, Action, at iba pa. Marahil pwede nang sabihin ito ang pinakamasigla at pinakabuhay na selebrasyon ng pelikulang Filipino sa bawat taon. Naging bahagi na ng Christmas break ko na makapanood ng kahit isa lamang at minsan mas marami pa dito depende sa aking interes at nais na mausisa at mabigyan ng halaga ang lokal nating industriya ng mga pelikula.

Sa taong ito, ang katangi-tanging pelikulang aking napanood (ngunit gusto ko pa sanang manood ng mas marami) sa MMFF ay ang “El Presidente”.

Bakit? dahil bago pa man ang MMFF ay labis na akong naakit sa trailer palang nito. Naisip ko na siguro dahil halos pareho ang mga nagsiganap dito sa pelikulang “Asiong Salonga: The Manila Kingpin” noong nakaraang taon, na humakot ng maraming parangal, at isang palabas na nagustuhan ko talaga dahil sa kakaibang istorya at atake dito, kasama na ang estetikong kagandahan na para bang pinaglaanan ng sapat na panahon at hindi minadali para makagawa lamang ng pelikula na aabot ng release date.

Ang “El Presidente” ay sagana sa mga makukulay at makabuluhang kwento at pangyayaring historikal sa isang panahong hitik sa rebolusyunaryong pag-aaklas at emosyong pumipiglas laban sa mga dayuhan. Saklaw nito ang pananakop ng mga Kastila, Amerikano, at mga Hapon, na mga kapanahunang nasubaybayan ni Aguinaldo sa tagal ng kanyang buhay, kabilang ang pinakadakilang at inaasam na pagkakalaya ng bansang Pilipinas. Medyo hindi ako nagtaka na napaka-pabor nito at bias sapagkat maraming mga kinilingan na panig ang kasaysayan, napakapabor kay Aguinaldo samantalang naipamukhang kalaban sina Bonifacio at ibang mga kasapi ng kilusan. At dahil inabot ni Aguinaldo ang isang mahabang istorya ng paglaban para sa kalayaan na tumagal ng ilang henerasyon, ang pelikula ay katulad dahil halos tatlong oras ang tinagal nito. Napakaraming eksenang labanan na saksakan at barilan na maayos naman ang koryograpiya, pero magsasawa ka rin dito. May iilan din na eksena na napakawalang kwenta at naging patawa lang nang di sinasadya. Pero sa aking pagpapalagay, maari sanang iputol ang ilang eksena sa palabas, lalo na sa mga huling bahagi, dahil naiisip namin ng mga kasama ko na, “Ano ba yan? Akala ko patapos na!” May “dragging factor” ang pelikulang ito sa pagtakbo ng istorya ngunit hindi maipagkakaila na isang magandang pagsikap na maipresenta ang isang kwento ng kasaysayan sa mga masa at mabigyang halaga ang mga pelikulang may mas laman at kabuluhan, kaakibat nito ang pagsikap din sa mas progresibong kalidad ng sinematograpiya ng isang pelikula.

Sa aspekto ng kalidad ng paggawa at sinematograpiya, kaaya-aya ang mga tanawin at napakita naman na may integridad at kapani-paniwala ang lunan ng mga eksena. Magaan sa mata at medyo bago sa paningin ang isang “high-definition” na mga anggulo at larawan. Ang musical scoring naman ay bumagay o umangkop naman sa essence ng pelikula, pero may ilang beses na sa palagay ko ay may “overwhelming” o “overbearing” na kalidad ang mga musika sa ibang bahagi at tipo ng eksena.

Isa sa malaking kabiguan at kahinaan ng pelikula ay ang mga pagganap ng ibang karakter. Si Emilio Aguinaldo na binigyang buhay (may konting kabalintunaan haha) ni Jeorge Estregan ay ubod ng katigasan sa pag-arte na parang naging napaka-robotic ni Aguinaldo sa ilang bahagi, isang malayong pagtulad sa napakabatang heneral at presidente noon. Mabuti nalang nadala ni Estregan ang angas niya mula sa ‘Asiong’ sa paglaban niya sa mga eksenang patayan at digmaan. Ang supporting cast ng “El Presidente” ay masasabi ko na mga tauhang nagdala sa istorya, at binigyang kulay ang mga karakter na historikal, at ginawang kapani-paniwala ang kanilang pagganap. Sina Cesar Montano (Bonifactio) at Christopher de Leon (A.Luna) ay ilan sa mga ito na napahanga ako sa kanilang pagganap. Nabigyan ng sapat na emosyon at puso ang paglaban nila para sa bansa, pati narin ang kanilang mga kabutihan at pagkatalo. Kapansin-pansin rin na ang casting ng mga ibang extra ay nakalihis ng atensyon ng mga manonood, dahil my iilan na komedyante na hindi ma-seryoso ang pag-arte at karakter dahil sa kanilang kinasanayang pagpapatawa. Halo ang pananaw ko sa mga pagganap ng tauhan, maraming nakapagpahina sa pelikulam, ngunit nadala naman ng ibang mga magagaling na artista.

Sa kabuuan, sulit naman ang pagpanood sa pelikulang ito. Medyo may kahabaan lang, pagkainip, pagkagalit, at pagkainis na may halong tawa siguro sa ilang bahagi, ganunpaman, isa parin itong napakainteresante at mahalagang pelikula. Napapahalagahan ko ang pagsumikap at pagsabak sa pagbuhay sa kasaysayan ni Aguinaldo at ng rebolusyon, dahil bukod sa kakaunti lamang ang mga palabas na ganito, lahat naman ito ay may magandang kalidad na maipagmamalaki parin ng industriya. Malayo sa perpekto ang “El Presidente,” ngunit isang indikasyon na may pag-asa at pag-usad ang kalidad ng pelikulang Pilipino sa pagtatanghal sa pinilakang tabing.

 

 

 

 

 

[NOTE: Paumanhin po at hindi ko po naisama ang litrato ng tiket.]

Bilog ang mundo…at ang masarap na tsokolate

Paumanhin dahil wala akong mahanap na pagkain na angkop sa probinsya ng aking pamilya, dahil hindi ako ganoon kapamilyar at di pa ako nakapunta sa probinsya namin kahit kailan, at liban ako sa klase noon  kaya naisipan ko nalang piliin ang isa sa mga paborito kong tsokolate, ang Maltesers.

malteser

Sa kulay pula palang na kanyang balot, sadyang kaakit-akit na ang tsokolateng ito. At sa pagkatingkad ng kulay ng pagkabalot nito ay tila nagpapahiwatig na sadyang ispesyal at kakaiba ang sarap nito sa iba. Nang buksan ito, sasalubong sayo ang mga maliliit na bola ng tsokolate, para bang mga kasinlaki lamang ng holen o marble. Mga bilog na nabalot ng tsokolate na kapag iyong natikman, ay naghahalong tamis ng tsokolate na may konting alat dahil sa malt na laman nito. Ang tamis nito na hundi puro gatas ang lasa tulafd ng ibang tsokolate, dahil sa kakaibang pag-agaw ng lasa ng malt, isang kombinasyon na siguradong nakakatakam at nakakataba (dahil sigurado hindi lang paisa-isa ang kuha mo pag na-adik ka na).

Kapag iyong nasimulan, mahirap na awatin ang sarili sa sarap ng Maltesers. Ang lutong at lasa nitong nakakaganang kumain ay siguradong magiging dahilan na “mamaniin” mo ang kending ito. Iba talaga ang karanasan at sarap na nabibigay ng tsokolateng ito kumpara sa iba. Ewan ko ba pero dahil sa lasang di-pangkaraniwan ngunit napakasarap ang siguradong magpapabilang dito sa mga favorite ng mga tao. Kahit na imported ito, karaniwang gawa sa America, Europa at Austrailia, medyo may kamahalan, at madalas na ipasalubong ng mga kamag-anak at kaibigan sa kanilang mga mahal sa buhay. Katunayan, ang isang tub ng Maltesers na aming nilalasap ngayon ay bigay ng aming lola na galing ng Austrailia.

Ang tsokolateng ito ay nakapagdadala ng tila isang pag-alala o tradisyon sa aming pamilya, dahil nga lagi itong dalang pasalubong ng aming lola galing sa Austrailia. Nakilala namin at nakasanayang kainin at maging paborito ng pamilya dahil sa pagbahagi ng aming mahal sa buhay.

#AMALAYER: Kwentong “She Said, She Shouted”

Image

Sa isang ordinaryong araw ng Nobyembre, sa LRT-Santolan Station, sumiklab ang isang konprontasyon ng isang estudyanteng commuter at isang lady guard. Isang konprontasyon na humantong sa isang viral hit sa internet at balita, na pinagkaabalahan at pinagpiyestahan ng mga netizens sa iba’t ibang social networking sites. Naglabasan ang iba’t ibang panig at pananaw, isang hindi maiiwasang bahagi ng kulturang sawsawera’t sawsawero nating mga Pinoy. Ang mga naratibong susunod ay sisikaping maipakita ang dalawang panig ng mga tauhang sangkot sa pangyayari, ayon na rin sa mga balita at artikulo sa TV at internet.

Nangyari ang insidenteng #Amalayer  nang may isang estudyanteng babae na si Paula Salvosa na diumano’y hindi linagay sa x-ray security scanner ang kanyang bag para sa inspection, na paglabag sa SOP sa istasyon ng LRT. Ang lady guard na si Sharon Casinas ay tinawag ang atensyon ng dalaga , at sa pagsabi nito ng “Anong problema mo, miss?” (na sinasabi ng dalaga ay medyo pasigaw at nakakasakit) at dahil dito, si Paula ay nagwala at nagsimulang paulanan ng masasamang salita ng pagbatikos at pagpapahiya sa lady guard. Mula sa mga linyang “May pinagaralan akong tao!” , “I’m just returning the favor!” at “You’re telling me AMALAYER?!” ang mga maanghang at galit na salita ay nagbunga ng isang eksena na napanood ng iba pang taong nasa paligid, at na-videohan pa. At sabi nga nila, “The rest is history.”

Anupaman ang dahilan o pangangatwiran ng dalawang sangkot sa nangyaring pagpapahiya at paglabas ng matitinding damdamin, nailabas na at nakita na ng milyun-milyong Pilipino ang #Amalayer episode. Maraming naki-simpatya ngunit mas marami ang nagbigay ng kulay at halaga sa isang insidenteng di na kailangan palakihin pa. Ang trend na ito ay naging isang online phenomenon dahil sadyang mahilig sa mga kontrobersiya at drama tayong mga Pilipino. Hay, di maikakaila at nakapagtataka ang mga pagsulpot ng mas marami pang mga katulad na sensation sa kulturang popular.