El Presidente: SI Aguinaldo at ang Pinilakang Tabing

Image

Tuwing sasapit ang kapaskuhan ay tila isa nang nakakabit na tradisyun dito ang Metro Manila Film Festival o MMFF, kung saan ibinabandera ng mga pinakamalalaking kumpanya at network ang kanilang pinakasikat at bigating mga artista at direktor sa mga pelikulang iba-ibang genre tulad ng Comedy, Drama, Fantasy, Horror, Action, at iba pa. Marahil pwede nang sabihin ito ang pinakamasigla at pinakabuhay na selebrasyon ng pelikulang Filipino sa bawat taon. Naging bahagi na ng Christmas break ko na makapanood ng kahit isa lamang at minsan mas marami pa dito depende sa aking interes at nais na mausisa at mabigyan ng halaga ang lokal nating industriya ng mga pelikula.

Sa taong ito, ang katangi-tanging pelikulang aking napanood (ngunit gusto ko pa sanang manood ng mas marami) sa MMFF ay ang “El Presidente”.

Bakit? dahil bago pa man ang MMFF ay labis na akong naakit sa trailer palang nito. Naisip ko na siguro dahil halos pareho ang mga nagsiganap dito sa pelikulang “Asiong Salonga: The Manila Kingpin” noong nakaraang taon, na humakot ng maraming parangal, at isang palabas na nagustuhan ko talaga dahil sa kakaibang istorya at atake dito, kasama na ang estetikong kagandahan na para bang pinaglaanan ng sapat na panahon at hindi minadali para makagawa lamang ng pelikula na aabot ng release date.

Ang “El Presidente” ay sagana sa mga makukulay at makabuluhang kwento at pangyayaring historikal sa isang panahong hitik sa rebolusyunaryong pag-aaklas at emosyong pumipiglas laban sa mga dayuhan. Saklaw nito ang pananakop ng mga Kastila, Amerikano, at mga Hapon, na mga kapanahunang nasubaybayan ni Aguinaldo sa tagal ng kanyang buhay, kabilang ang pinakadakilang at inaasam na pagkakalaya ng bansang Pilipinas. Medyo hindi ako nagtaka na napaka-pabor nito at bias sapagkat maraming mga kinilingan na panig ang kasaysayan, napakapabor kay Aguinaldo samantalang naipamukhang kalaban sina Bonifacio at ibang mga kasapi ng kilusan. At dahil inabot ni Aguinaldo ang isang mahabang istorya ng paglaban para sa kalayaan na tumagal ng ilang henerasyon, ang pelikula ay katulad dahil halos tatlong oras ang tinagal nito. Napakaraming eksenang labanan na saksakan at barilan na maayos naman ang koryograpiya, pero magsasawa ka rin dito. May iilan din na eksena na napakawalang kwenta at naging patawa lang nang di sinasadya. Pero sa aking pagpapalagay, maari sanang iputol ang ilang eksena sa palabas, lalo na sa mga huling bahagi, dahil naiisip namin ng mga kasama ko na, “Ano ba yan? Akala ko patapos na!” May “dragging factor” ang pelikulang ito sa pagtakbo ng istorya ngunit hindi maipagkakaila na isang magandang pagsikap na maipresenta ang isang kwento ng kasaysayan sa mga masa at mabigyang halaga ang mga pelikulang may mas laman at kabuluhan, kaakibat nito ang pagsikap din sa mas progresibong kalidad ng sinematograpiya ng isang pelikula.

Sa aspekto ng kalidad ng paggawa at sinematograpiya, kaaya-aya ang mga tanawin at napakita naman na may integridad at kapani-paniwala ang lunan ng mga eksena. Magaan sa mata at medyo bago sa paningin ang isang “high-definition” na mga anggulo at larawan. Ang musical scoring naman ay bumagay o umangkop naman sa essence ng pelikula, pero may ilang beses na sa palagay ko ay may “overwhelming” o “overbearing” na kalidad ang mga musika sa ibang bahagi at tipo ng eksena.

Isa sa malaking kabiguan at kahinaan ng pelikula ay ang mga pagganap ng ibang karakter. Si Emilio Aguinaldo na binigyang buhay (may konting kabalintunaan haha) ni Jeorge Estregan ay ubod ng katigasan sa pag-arte na parang naging napaka-robotic ni Aguinaldo sa ilang bahagi, isang malayong pagtulad sa napakabatang heneral at presidente noon. Mabuti nalang nadala ni Estregan ang angas niya mula sa ‘Asiong’ sa paglaban niya sa mga eksenang patayan at digmaan. Ang supporting cast ng “El Presidente” ay masasabi ko na mga tauhang nagdala sa istorya, at binigyang kulay ang mga karakter na historikal, at ginawang kapani-paniwala ang kanilang pagganap. Sina Cesar Montano (Bonifactio) at Christopher de Leon (A.Luna) ay ilan sa mga ito na napahanga ako sa kanilang pagganap. Nabigyan ng sapat na emosyon at puso ang paglaban nila para sa bansa, pati narin ang kanilang mga kabutihan at pagkatalo. Kapansin-pansin rin na ang casting ng mga ibang extra ay nakalihis ng atensyon ng mga manonood, dahil my iilan na komedyante na hindi ma-seryoso ang pag-arte at karakter dahil sa kanilang kinasanayang pagpapatawa. Halo ang pananaw ko sa mga pagganap ng tauhan, maraming nakapagpahina sa pelikulam, ngunit nadala naman ng ibang mga magagaling na artista.

Sa kabuuan, sulit naman ang pagpanood sa pelikulang ito. Medyo may kahabaan lang, pagkainip, pagkagalit, at pagkainis na may halong tawa siguro sa ilang bahagi, ganunpaman, isa parin itong napakainteresante at mahalagang pelikula. Napapahalagahan ko ang pagsumikap at pagsabak sa pagbuhay sa kasaysayan ni Aguinaldo at ng rebolusyon, dahil bukod sa kakaunti lamang ang mga palabas na ganito, lahat naman ito ay may magandang kalidad na maipagmamalaki parin ng industriya. Malayo sa perpekto ang “El Presidente,” ngunit isang indikasyon na may pag-asa at pag-usad ang kalidad ng pelikulang Pilipino sa pagtatanghal sa pinilakang tabing.

 

 

 

 

 

[NOTE: Paumanhin po at hindi ko po naisama ang litrato ng tiket.]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: