“Gusto Ko Maging…”

Doktor. Abogado. Inhinyero. Sundalo. Pulis.

Ito ay ilan sa mga pinakapopular at pinakakaraniwang isasagot ng mga bata sa napakagasgas na tanong sa kanilang kabataan na, “Anong gusto mo maging paglaki mo?” Di matawaran ang mas mataas at mas pinapaboran ang mga sagot na ito dahil sa kakaibang dangal at pagkahanga na nakakabit sa mga trabahong ito sa ibang mga uri ng hanapbuhay na inaambisyon.

Ngunit sadyang malayo at medyo kakaiba ang dati kong hilig at pangarap para sa aking paglaki. Gusto ko dati maging isang game show host.

Siguro isang kabalintunaan ang pag-iisip ko nito dahil nung bata ako, sobrang tahimik at mahiyain ko, na tila di makabasag pinggan ang personalidad ko, salungat sa kinakailangan ng isang game show host na karisma at patawang personalidad na nagpapabuhay sa pag-host. Nagsimula ang munting pangarap at pagkabighani sa mga game shows noong nasa kinder-prep pa ako sa eskwelahan. Dahil pang-umaga ang pasok ko, nakakauwi ako ng tanghali, at naabutan ko ang mga noontime shows tulad ng Eat Bulaga at MTB (Magandang Tanghali Bayan), kung saan lagi akong nakatutok sa mga ito hapon-hapon. Palipat-lipat ako ng channel sapagkat parehong may mga kakaibang mga laro at segment na nagpapasaya at nagpapatawa. Sa mga larong nagbibigay ng mga milliones galing sa mga kahon o bayong, hanggang sa pag-ikot ng roleta para sa kwarta, talagang nakakabighani ang mga game shows para sa akin. Iba ang “thrill” at misteryo ng pagsubok ng kapalaran sa mga programang ito, at idagdag na rito ang katatawanan na parang lubos ang saya ng trabaho ng mga host doon.

Isa din sa pinagkaabalahan ko maliban sa mga props at mechanics ng game show ay ang mga mikropono. Medyo mababaw ang dahilan, pero ang laki ng naging  pagkahilig ko sa mga mic nung bata ako. Sa sobrang pagka-aliw ko sa mga mikropono, nagkaroon ako ng ilang mga laruang mic at katunayan, nagkaroon din ako ng mga totoong mic (wireless na at may stand pa!) na aking ginamit sa pagkukunwari at pag-ensayo bilang isang host kunwari. Ang nakakatawa pa dito ay bihira lang ang mga salita ko sa pagpraktis hawak ng mic, kadalasang tinatapat ko lang sa aking bibig, magpo-pose at titignan ko lang ang sarili ko sa salamin. Siguro ang hilig ko sa mga mic noon ay dala ng pag-iisip na kapag hawak mo ito, ay ikaw ang bida, ikaw ang nagpapatakbo ng programa, at lahat ng atensyon ay nasa iyo kapag nagsalita ka na sa mahiwaga at maganda mong mikropono.

Naalala ko rin ang dati kong gawi na kokopyahin ko ang ilang mga laro ng mga variety show at susubukan kong ilaro sa aming bahay. Ginaya ko dati ang “Pera o Bayong” ng MTB, kung saan pipili ang kalahok ng isang bayong mula sa marami at pwedeng ilaban ang laman ng bayong o ipagpalit sa ibang bayong o halaga ng pera.  Samu’t-sari ang mga premyo mula mga gamit pambahay, pagkain, hanggang sa libu-libo at milyun-milyong salapi. Sa aking bersyon, gagawa ako ng mga karatulang may iba’t ibang premyo: bokya, kung anong gamit sa bahay, P 100, 000, P500,000, P 1,000,000 at iba pa. Napakaambisyoso at napakamahal ng iilan dito na hindi ko naman kayang ibigay ngunit minsan natatawaran ng sankatutak ko rin na play money, ang kumukumpleto sa aking props. Sinisiksik ko ang mga nagawang karatula sa gilid ng aming kabinet at nagmimistula siyang kahon nito, kung saan ang paghugot nito ay nadadagdagan ng “suspense” at konting kapani-paniwalang pakiramdam. Pagkatapos ay lalaruin ko na ito kasama ang aking pamilya, karaniwan ang kuya ko, at sa mga paglalarong ito ay nabibigyan ako ng kakaibang sigla at kasiyahan dahil natutupad ko yung mga munting pangarap ko nun. At marahil nasisiyahan na rin kahit papano ang mga kapamilya kong nakikisali sa mga pakulo ko dahil nananalo din naman sila minsan, kahit play money lang (na pinapabalik ko rin pagkatapos).

Napakalawak ng mga naging pangarap ko sa buhay sa mga nakalipas na taon. Ngunit sa pag-alala ng aking kabataan, nanaig ang una kong libangan na manood at magaya ang mga game shows, kung saan ako yung host nito. Sa aking buhay-kolehiyo ngayon, nakatuon ako sa kursong Komunikasyon, na nakatali sa media at produksyon, at isang indikasyon ito marahil na mapapalapit ako sa mga nauna kong pangarap. Marami ang nagbago sa akin sa paglaki ko, kasama na rito ang pagiging di na ganoon kahiyain at mas bukas sa mga opurtunidad ng pagpapakitang-gilas. Malay natin baka matupad ko din naman pala ang pagiging game show host.  Tignan nalang natin.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: