KONTEMPORARYONG KABAKLAAN SA PELIKULANG INDIE

      Sa sining at kulturang umiiral sa ating lipunan, laganap ang mga tinatawag na mainstream media, mga pelikula, palabas, musika, at iba pang elemento ng sining na mas nabibigyang pansin dahil sa lawak ng pagpapairal, mataas na pagpopondo at promosyon, impluwensiya at hatak ng mga artista’t kumpanya, at malikhaing pagsasalamin ng kulturang popular. Sa kabilang banda, nariyan din and mga bahagi ng sining na hindi gaanong nabibigyang-pansin at atensyon ng madla, ito ang mga gawang indie o “independent.” Ang kakanyahan ng mga ito ay dahil “independent” ay ibig sabihin halos sariling sikap at pagpapasiya ang nasusunod sa produksyon at diwa ng mga ito. Ang indibidwal na pananaw at ideya ng artista ang nananaig dahil sa kawalang ng pagpipigil ng mga kumpanyang pamproduksyon.

      Sa indie cinema, karaniwan ang mga mas maliliit ang pagpondo, mas simpleng produksyon, ngunit tumatalakay sa mga paksang sadyang napakalayo sa mga mainstream o kulturang popular: mga paksang mas sensitibo, kontrobersiyal, at madalas mga bawal o taboo, mga paksang mapangahas at mahusay na sumasalamin sa mga realidad ng estado ng lipunan. Angat sa indie ang estetiko at istilong indibidwal. Hindi nahahadlangan ng kumpanyang produksyon o askpektong sensura, na namamalas sa mga natatanging temang kontrobersiyal ngunit napapanahon.

      Taliwas sa limitadong saklaw ng mainstream media na limitado sa kulturang popular at mga katulad ng mga banyagang pagpresenta ng media, tinatampok ng indie films ang mga temang di-karaniwang komersyal o agad na makakaakit sa madla tulad ng mga realidad ng kahirapan, bisyo, at iba’t ibang perspektibo ng sekswalidad, lalo na ang homosekswalidad. Ang konteksto at bisyon ng paggawa ng mga independent films ay nakatuon sa pagpapahiwatig ng mensahe at imahen na mas tapat sa realidad ng lipunan, kung gaano kasarap o kasaklap ang mga karanasan ng buhay, mga katotohanang umiiral sa ating bansa. Natural na rin na dahil sa mga hadlang ng kakaunting pondo at limitadong produksyon na limitado rin ang pagpapakalat at pagbabahagi ng mga obrang ito sa masa. Ang mga pelikulang indie ay kalimitang laging  tasado pagdating sa mga pagpapalabas sa sinehan at teatro. Sa ating bansa, nananatili ang mataas na pamantayan at paggalang sa mga independent films, dahil bukod sa kahalagahang sining nito at kahusayan ay madalas ang mga pagkilala sa mga ito sa iba’t ibang film festival dito pati narin sa ibang bansa, at ang paghakot ng mga espesyal na parangal at papuri mula sa mga kritiko at alagad ng sining.

      Sinasabi na ang paggawa at pagsabak sa indie films ay isang karanasang nakapagpapabago sa karera ng mga artista’t director, at ng buong pangkat ng produksyon. Isa sa mga pinakalaganap at pinakatampok na paksa ng mga pelikulang indie ay ang homosekswalidad, partikular na ang pagiging gay o kabaklaan. Sa paglipas ng mga taon ay naging progresibo din ang pagtatanghal ng mga temang sekswalidad dahil naibahagi ang iba’t ibang dimensyon at perspektibo, positibo’t negatibo, ang kabuuan ng kabaklaan. Halimbawa nito ay mga pelikulang “Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa” at “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros” na mga mainam na pagpahiwatig ng sining at kabaklaan sa kontemporaryong kapanahunan.

      Maliwanag ang pagkahitik sa parehong sining at kabaklaan ang pelikulang “Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa”  ni Alvin Yapan sa kadahilanang naangkop ang istorya ng tila isang kinumplikadong kwento ng pag-ibig dahil sa pagkadala ng emosyon at senswal na kaigtingan dulot ng pagsayaw at patulang mga paglalahad. Nagsimula ang kwento kung saan ang estudyanteng si Marlon ay nahuhumaling sa kanyang guro ng literatura na si Karen, at para makalapit o magpapansin siya dito ay magpapaturo siya kay Dennis na kanyang ka-eskwela upang matuto sa pagsasayaw. At sa mga paulit-ulit na pagkakatagpo sa pag-eensayo ay madadala ang dalawa ng napakasenswal na mga pagsayaw at magkakaroon ng mga espesyal na tingin o pagmamahal para sa isa’t isa.

      Ang orihinal na pagpapasiya ni Marlon para maakit ang gurong si Karen ay nabago bilang pagkakaroon ng matalik na relasyon kay Dennis, na noong una ay kanya pang tinatanggihan, ngunit sa huli ay napagtanto ang totoong nararamdaman na romantikong interes para sa kapwa lalaki. Bukod sa maririkit na sining ng sayaw na nagsilbing tulay sa realisasyon ng tunay na pagnanais na homosekswal, ang paulit-ulit na pagbida ng mga patulang berso ay nagsilbi din na pahiwatig ng artistikong diskurso, kung saan nadala nito ang naratibo sa isang malikhaing interpretasyon kasama ang mga kilos ng sayaw. Ito ay mga nagsilbing estetikong salik na nagpatakbo sa kwentong naging erotiko at homosekswal ang pagsasayaw ng dalawang lalaki. Naging matalino at makatarungan ang pakilala sa mga relasyon ng mga bakla. Nawala ang mga nakasanayang estereotipo kung saan ang kabaklaan ay laging nakakabit sa pambabaeng katangian na tinutupad. Imbis na tipikal na lantad na bading na maingay at kilos babae ay nabigyan ng interpretasyong ang kabaklaan ay pwede rin maihayag ng mga lalaking matipuno, kilos-lalaki ngunit nag-iba lang sa kagustuhang sekswal. Isang napakahusay na pagpapalabas ng isang bali ng estereotipo dahil sa panibagong pagmulat sa ibang anggulo at sitwasyon ng kabaklaan sa lipunan, na naging positibong pagsasalamin sa pelikula.

      Naipakita naman ng “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros” ni Aureus Solito ang isang buhay ng 12-anyos na batang tinatawag na “Maxi” na isang lantad na batang bading. Ang kanyang kilos, pananalita, at kasuotan ay maihahambing bilang pambabae, at ang kanyang sekswalidad ay tanggap niya at ng kanyang pamilya’t kaibigan kahit bata pa lamang siya. Tanggap na tanggap siya ng kanyang pamilya ng may buong pagmamahal. Nakasentro ang istorya sa pakikipagsapalaran ni Maxi sa pag-ibig para sa isang pulis sa kabila ng banta sa kanyang pamilya na kriminal na gawain ang inaatupag. Maraming mga napagdaanang kawalan, sakripisyo at leksyon ang bata sa pag-unawa at pagtuto mula sa pag-ibig at pamilya at ang kahalagahan ng mga ito. Nagsilbing pagpapamalas ng kaganapan sa gulang ang “pagdadalaga” ni Maxi sa kwento. Matagal na siyang nagsilbing responsableng anak na inuuna ang kapakanan ng mga kapatid at tatay sa pag-aalaga ng mga gawaing bahay.

      Ang “pagdadalaga” ni Maxi ay dala ng pagkamulat sa mga pahamak ng mga kamalian at kawalan ng katarungan, lalo’t higit ang pagdaan sa proseso at kumplikasyon ng pag-ibig. Napagdaanan ng bata ang masaklap na realidad ng pagmamahal, at nalaman ang mga sakripisyo ng hindi ideyal o ordinaryong pagkahumaling. Sa kurso ng pelikula ay ninais niyang makipagsapalaran sa proteksyon ng kanyang pamilya at ng pagmamahal niya kay Victor (pulis). Maraming mga masaklap na pinagdaanan si Maxi, kabilang ang pagkamatay ng kanyang tatay sa kamay ng mga pulis na nag-udyok sa kanya at sa mga kapatid niya na talikuran ang buhay ng gawaing ilegal at kriminal, at sa halip ay mabuhay ng matiwasay para sa kinabukasan ng buong pamilya. Sa desisyong ito, nagkaroon ng matinding realisasyon si Maxi sa konsepto ng pag-ibig. Natutunan niyang kontrolin ang kanyang mga damdamin para sa mga priyoridad niya sa buhay.  Mula sa simpleng pagtupad ng gawaing bahay ay nabigyan ng panibagong buhay na may prinsipyo at kaalaman para sa mas ganap sa paggulang at responsibilidad. Dito sa pelikulang ito ay salungat ang pagganap sa mga bakla dahil sa lantarang pagpakita ng buhay ni Maxi. Isang napakapositibo at nakakatuwang pagpresenta ng batang bakla na napagdaanan ang kahirapan ng buhay sa iba’t ibang aspekto, ngunit namulat sa sariling kakayahan at lakas na magpatuloy sa buhay at maiangat ang kanyang kinabukasan.

      Parehong akmang naisabuhay ng mga pelikulang ito ang mga kasalukuyan o modernong estado at sitwasyon ng kabaklaan sa sining at kultura n gating lipunan. Makikita ang mas obhektibo at makatarungang representasyon ng mga homosekswal sa pelikulang indie. Mainam na may mga paksang ganito na nagpapaikot sa sinemang indie sapagkat habang patuloy na progresibo at pasulong ang mga pananaw at pagtingin sa kabaklaan ay unti-unti rin mababago ang takbo ng indie sa direksyong realidad, may kabuluhan, kahulugan, at kapangyarihan sa pagbabago.

 

Mga Sanggunian:

            “Tag Archives: Ang Sayaw Ng Dalawang Kaliwang Paa Review.” Young Critics Circle Film Desk. N.p., 26 June 2012. Web. 30 Jan. 2013.

Soriano, Rianne Hill. “Film Works.” : Rianne’s Film Blog. N.p., 12 July 2006. Web. 30 Jan. 2013.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: