Muni-Muni sa MRT at LRT

Nakalipas na ang mga araw ng kasiguraduhan at kaginhawaan ng araw-araw na paghatid at pagsundo sa akin papunta at mula sa paaralan. Ang buhay ng katiyakan sa transportasyon sa bawat pagluwas ay hindi na ganoong kadalas ngayong nasa kolehiyo na ako dito sa Ateneo. Talagang kay saklap nga lang minsan dahil sa pagpasok sa Ateneo, may kalayuan at trapiko na kailangan baybayin bago makarating sa Quezon City mula sa bahay namin sa Parañaque. Sakripisyo ng mas pinaglaanang oras at inaakmang iskedyul ang bagong buhay ngayong kolehiyo na ako. Dahil sa wala pa akong sariling kotse, para makaiwas sa kalayuan at trapik, nagcocommute ako mula Ateneo hanggang Ayala sa Makati para masundo kasabay ng aking kapatid na nag-aaral lang sa lugar na iyon. Kaakibat din ng aking mga diskarteng carpool at pakikisabay sa mga kaibigan, ang karanasan ko kada biyahe ay pinakakaraniwang binubuo ng pagsakay sa tren ng MRT at LRT. Sa kaslukuyang semestro, nakakasakay ako sa tren kapag umuuwi mga tatlong beses sa isang linggo. Dahil sa kasamaang-palad ng pagkakaroon ng 7:30 na klase araw-araw, sumasabay ako sa carpool ng aking kapitbahay na taga Ateneo Grade School at High School, na mabuti na rin sa pagtitipid at kaluwagan imbis sa pag-commute. Dati noong nakaraang semestre, nakakabiyahe pa ako sa tren papunta ng Ateneo dahil hapon ang pasok ko sa ilang araw.

Ang pagsakay sa MRT at LRT ay nakagawian ko na ng lubos ngayon, tila “automatic” na dahil sa maraming beses na naranasan ito na nagiging “routinary” o pangkaraniwan na bahagi ng aking araw-araw na lakad. Kung dati nung high school ay masabi kong di ako marunong at may konting kaba at takot pa ako sa biyaheng MRT at LRT, ito ay dahil di pa ako ganun kasanay na nagpahiwatig ng mga alinlangan at mga kawalang-tiyakan ukol dito. Kung noong unang semestre ay magmamadali ako na umalis para makarating sa Makati kahit na titiisin ang hirap ng commute, ngayon naman ay medyo nagsasawa na ako at mahirap nang hanapin ang pasensya sa pag-commute kaya kung kaya ay makikisabay nalang ako sa iba, diskarteng mas pabor sa pag-iwas sa siksikan, init, pila, kapawisan at kadungisan na nadudulot ng pagiging pampublikong pasahero.

Sa mga araw na luluwas ako papuntang Ayala sa pamamagitan ng tren, agad akong lalabas ng Ateneo kapag wala na akong kinakailangang gawin o wala nang pinagkakaabalahan. Kapag medyo nakaluluwag at may sobrang perang nakalaan, sasakay ako ng trike palabas ng kampus, papunta sa may dulo ng Katipunan, sa may Mini Stop na isang liko nalang at konting lakad ay papasok na ng LRT-2 Katipunan Station. Kung di naman ang trike, lalakarin ko lang ang daang papuntang Blue Eagle Gym, palabas ng Grade School hanggang sa may terminal ng dyip na kaharap din ng Mini Stop. Php 25 man ay medyo mahal kahit kayang lakarin ang parehong daan na mas malapit naman, may mga araw talaga minsan na ayoko masyadong mapagod at mapawisan, at kahit may kaartehan at kababawan, hindi ko minsan gustong dumaan sa medyo maduming bahaging iyon sa pag-aakalang ang trike ay mas komportable talaga. Lalakad ako lampas sa Mini Stop sa isang medyo makitid na sidewalk papuntang istasyon. Mga nadadaanang basura, mga nalalanghap na usok mula sa sasakyang dumadaan, mga pulubi’t tambay, at mga vendor sa tabi nito ay mga elementong nakakabit na sa aking isipan. Sa halos araw-araw na nakikita ko ang mga ito, nauunawan ko talaga na wala na ako sa Dasmariñas Village tulad nung high school, at isa na akong ganap na commuter, at ang mga ganitong eksena ay unti-unti ko nang nararanasan na mula sa gulat at hesitasyon, ay nagpapatatag lamang sa aking pagiging mas mulat,  independiente at responsable para sa aking sarili sa bagong yugto ng aking buhay. Sa pagdaan ko palabas ng Ateneo at mga eskinita ng Katipunan, mga 10-15 minuto ang nakakalipas.

Pagdating ng istasyon ng Katipunan ng LRT-2, pagkatapos ng inspeksyon ng bag, pipila na ako para sa tiket papuntang Cubao na halagang Php 12. Lagi akong nagdadala ng mga baryaat madalas na itong nakahanda sa bawat pagbiyahe. Bihira na mahaba o matagal ang pila sa Katipunan, kaya bihira lang ako bumili ng stored value card. Yun nga lang, dahil sa underground ang istasyon na ito, ay lagi’t lagi akong papawisan dito. Nakapagdadagdag ang aking bag sa pawis sa likod, kaya habang hinihintay ang tren ay tatanggalin ko pa ang bag, at magpupunas ng pawis, yun ay kung may oras. Sinasadya ko na mag-abang sa ikalawang marker ng pintuan, ang unang pintuan pagkatapos ng  priority lane ng mga buntis, matanda, at may kapansanan, sapagkat ito ang pinakamalapit sa hagdaanan pagbaba sa Araneta-Cubao station.
Pagsakay ng tren ay makaka-relax ako kahit papano. Hindi na ako umuupo dahil wala pang limang minuto ang biyaheng dadaan lang sa Anonas tapos Araneta na. Nababawi ang pawis at init ng paglakad sa malakas na aircon habang hinihintay ng dalawang istasyon bago ako bumaba. Lagi kong naiisip na ang ganda at ang linis ng line 2 ng LRT. Sa malakas na aircon, malinis at napakaluwag na coaches, at malinaw na signages sa paligid, hindi maipagkakaila na moderno at maayos ang linyang ito. Sasabihin na ng voiceover ng tren na nasa Araneta Center-Cubao Station na, kaya agad akong lalabas pababa ng hagdanang malapit lang sa aking pinto. Kulang-kulang 10 minuto ang pag-abang at biyahe papuntang Cubao.

Sasalubong sa aking ang pasukan ng Gateway Mall na tapat lamang sa istasyon ng LRT-Araneta Center-Cubao. Sa lagi kong pagdaan dito, nakakabisado ko ang mga tindahan at kainan sa halos buong mall. Minsan, nakakapasyal pa ako  kung may libreng oras bago sunduin sa Makati, kaya ang shopping ay hindi lang limitado sa Ayala Center. Nakadugtong sa Gateway at Araneta Coliseum ang sunod kong dinadaanan na mall, ang Farmer’s Plaza. Ang Farmer’s Plaza ay may lusutan sa MRT-Cubao Station na aking nililipatan para makarating sa Ayala. Aminado ako at medyo burgis man ang dating na masasabi ko talaga na mas pang-masa o jologs o “jej” ang tiangge at mall na ito, ngunit nakikita naman ang sikap na mapaganda pa ito. Pagkatapos ng ilang pasiku’t-sikot sa mga daan na tila “second nature” na sa akin sa dalas ko na madaanan ang mga ito sa dalawang mall sa loob ng mga 5 minuto, mararating ko na ngayon ang MRT-Cubao Station.

Sa istasyon ng Cubao, medyo di matatansya ang dumog ng tao sa mga pila, may ilang beses na banayad ang pila, ngunit mas madalas naabutan ko ang mahabang pila, na dulot ng kabisihan ng Cubao at karatig lugar. Sa istasyon na ito ako nagpapahinga at kumakain/umiinom. Konting samalamig o gulaman sa mga tabing tindahan, at ang paborito kong meryendang pang-commute ang siomai na may garlic chilli na ubod ng sarap. Katunayan, tanghalian ko na ang simple at murang pagkain na ito. Pipila ako ng may konting katagalan, at tatagaktak nanaman ang aking pawis sapagkat mula sa aircon na mall, ay titiisin na naman ang init at dami ng tao bago makasakay. Tulad ng di matansyang pila, ang pag-abang o pagpila rin sa itaas ng istasyon ay maaring banayad hanggang sobrang siksikan. May ilang beses na sa dami ng tao ay tatlong tren ang hinintay ko bago makasakay, pansin na rin ang pagpwersa ng ilang tao sa kanilang sarili sa pinto para lang makaskay agad.

Pagsakay sa MRT, ang naiisip ko minsan, “Ang layo sa itsura sa LRT-2”, dahil mapapansin talaga na kalahati lang siguro ng espasyo ang nasa MRT kumpara sa lawak ng tren ng LRT-2. Ipoposisyon ko ang sarili ko madalas sa ikatlong pintuan mula sa dulong bahagi ng tren dahil natantiya ko na talaga na dun ang halos eksaktong labasan na tapat sa escalator pataas sa Ayala Station, at bonus nalang dito ang malakas na aircon. May konting kahabaan ang biyahe mula Cubao. Santolan-Annapolis. Ortigas Avenue. Shaw Boulevard. Boni Avenue. Guadalupe. Buendia. at sa wakas, Ayala Avenue. Sa halos 20 minuto na nilalagi ko sa tren, ang dami kong naiisip at til kinakausap ko ang aking sarili sa aking isip. Mula sa mga pag-iisip patungkol sa kolehiyo, acads, mga kaibigan, pamilya, mga napanood sa TV o internet, o mga inaabangan at kinatatakutan kong mangyayari sa susunod na mga araw o linggo. Isabay na sa pagmumuning ito ang panonood ko sa paligid ng bawat istasyon. Nabibigyan ako ng tour ng trapik, sitwasyon, pati na rin ang mga bagong billboard sa EDSA.

Pagkatunton ko ng Ayala station, aakyat ako sa mga escalator at pakiramdam ko ay mas panatag dahil tapos na ang pag-commute ko. May kaluwagan ng loob dahil kahit nasalitan ang pawis, usok at lamig ng aircon sa pagod ng biyahe, ay mag-aabang nalang ako sa Glorietta para sa aking sundo. Kung may oras, di mawawala ang pagkain at pagpasyal sa mga tindahan at kainan. Minsan ko nang naikot ang kabuuan ng Glorietta, SM, at Greenbelt sa kabagotan ko minsan, at ang shopping ay isa din sa mga nagagawa ng paghintay, mag-isa man o kasama ang aking kapatid at nanay. Pagsundo sa akin sa hintayan ng Glorietta ay mas komportable na ako, kahit medyo pagod, pawis, at nakagastos ay alam kong ligtas aking makakauwi kasama ang aking pamilya.

Mahirap, nakakabwisit, at nakakapagod man sa ilang panahon, napapahalagahan ko ang pag-commute. Natuturo nito ang pag-alaga sa sarili, pag-priyoridad, at diskarte sa buhay. Ang pag-commute ay napakaimportante sapagkat napapatunayan ng karanasan dito na kaya mong maglakbay sa Metro Manila nang may diskarte. Iba talaga ang karanasan at buhay kapag commuter ka. Ang oras at pera ay mas nabibigyang-halaga. Dati di ko pinapansin ang mga barya di tulad ngayon na talagang iniipon ko ito, at nasasabing bawat piso ay makakatulong. Ang pag-commute ay magandang pagsanay sa isang tao na nakakatulong sa pagpapatatag ng karakter. Importante ang pagmulat sa buhay na ito para sa isang mas maayos na pagpapahalaga at pagkakaunawa sa buhay. Kahit na magkaroon na ako ng sariling kotse, dala-dala ko parin ang karanasan at muni-muni habang ako’y nagco-commute pa.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: